Freelance Jobs

Thursday, July 2, 2009

Galit ba si Willie ke Eric?

Isa sa mga paborito kong segmento ng Wowowee (oo, pinapanood ko to) ay ang laro kung san me sumasayaw na dalawang babae sa magkabakilang-gilid ng isang malaking animo'y eskaparate ng mga kartong prutas na me numero. Isa sa dalawang mananayaw nito ay si Aiko ng ASF Dancers. Hindi siya ang paksa ng panunulat na ito.

Sorry.

Tuwing magsisimula ang segmentong ito, maririnig ang isang tunog na alam ng lahat ng bata sa Pilipinas - ang recess bell. Kaalinsabay nito ay ang paglalaway ng mga kabataan dahil oras ng kumain at walang pwersa ni sa langit man o sa lupa ang makapagpipigil sa mga kabataang ito sa pag-stampede papunta sa kantina. Sa lahat ng nilalang ng Diyos, tanging mga guro lamang ang nakakakontrol ng napakanakakatakot na pwersa ng kalikasan na ito.

Saludo kami sa inyo, Ma'am!

Uh... yun nga.

Tuwing pinatutunog ang bell sa Wowowee ay me sumisigaw ng "IT'S EIGHT O'CLOCK TIME!!!" bagama't pasado ala-una na. Ito ay isang hudyat upang magsimulang sumayaw si Aiko at ang di ko nakikilalang babae, sa ritmo ng isang tulang nilapatan ng tugtog na siyang tinatawag ng karamihan na Poker Face.


Poker Face

Habang sumasayaw, si Willie ay lumalabas upang simulan ang laro. Lalabas kasunod ang isang manlalaro at ipapakita kung pano siya maglalaro. Ang ending, kung aling cash prize ang unang makumpleto (tipong Binggo, kung aling hilera ang unang mapuno), yun ang cash prize na iuuwi ng contestant.

Hindi mag-isa ang contestant sa kalbaryo na ito. Mapupunta ang kamera ke Eric at i-aanunsyo nya kung sino ang isa pang contestant mula sa studio audience. Samakatuwid, dalawa ang manlalaro at pareho sila ng prize na mauuwi.

Maling Eric

Napansin ko na tuwing mababanggit si Eric ay lagang sinasabi ni Willie na hindi ito nakakatawa. Nang mga unang beses ko ito marinig, naisip ko na napakasakit namang magbiro ni Willie. Dahil ba sya ang host ng palabas e me maaari syang magbiro ng ganyan?

Sa kalaunan ay naisip ko na mukhang seryoso ang turan na ito ni Willie. Merong isang pagkakataon na tinanong pa nya ang dalawang contestant kung nakakatawa ba si Eric. Sabi ng una - na parang nahihiya pa - Oo. Sinagot ito ni Willie na hindi sya dapat naaawa rito, sabay tanong saikalawang manlalaro. Sinabi nito na Hindi, at inulit ni Willie ang bansag nya na si Eric ang Komedyanteng Hindi Nakakatawa.

Funny ka kasi e.

Ilang beses itong inuulit ni Willie sa iba't ibang paraan. Minsan ay sasabihin nyang nagtataka sya at nasa show pa nya si Eric gayong di naman ito nakakatawa. Minsan nama'y babanggitin nya na kahit kelan ay hindi sya napatawa nito. Ewan ko ba kung bakit pinapaulit-ulit ito ni Willie. Hindi ba't kalabisan na ang ulit-ulitin ang "joke" na ito? Hindi kaya't napapahiya at nasasaktan rin si Eric, katulad ng ibang mga natatamaan ng kanyang mga jokes? Kung ako na hindi kaibigan o kilala ni Eric ay nalulungkot para sa kanya, paano pa mismo si Eric?

Nirerespeto ko si Willie bilang isang drummer. Angas nya sa drums e. Pero kapag nagsisimula na syang magpatawa ay napapahinto ako habang iniisip na sana ay wala syang saktang tao sa sasabihin nya. Na sana'y walang mapahiya, o mabastos dahil sa mga jokes nya.

Isa pa sa mga nirerespeto ko sa kanya ay ang kanyang abilidad na magpasikat ng kanta. Umawit lamang sya ay tatatak na kaagad sa isipin ng mga tagapakinig. Sa ayaw at sa gusto mo.

Parang biro lamang...



Kanina ay hindi ko nakita si Eric sa segmentong iyon ng Wowowee. Iniisip ko kung siya ba ay may sakit (dahil sa kalungkutan) o tinanggal na (dahil siya ay nakakalungkot magpatawa ayon ke Willie). Sinubukan kong abutin si Eric nguni't sa kasamaang-palad, hindi ko alam ang numero nya.

It's the thought that counts.



Ayaw ba talaga ni Willie ke Eric, o gimik lamang ito? Darating kaya ang araw na palalakasin naman ni Willie ang loob ni Eric? O susuko na lang si Eric at patutunayan ke Willie at sa lahat na nakakatawa siya?

Sino ang mas nakakatawa, si Willie o si Eric?

2 comments:

  1. Hello,

    Totoong masakit magbiro si willie, hilig pa niyang pagluruan ang mga dancer na parang ginagawang tanga lang.

    Minsan pa ay on the spot siyang nampapahiya ng staff, walang araw na hindi siya nampapahiya.

    Lagi ako nanonood ng wowowee, pero hindi ko ito napanood kahapon, andun pala si eric, aw sayang hindi ko nasaksihan. Kawawang Eric.

    ReplyDelete
  2. Hello din!

    Tama ka, at isa yun sa mga katangian nya na talagang nakakainis pagmasdan. Minsa'y hindi nya kayang magpatawa na walang nalulungkot, at ang mga dancers at staff ng show ang madalas maging biktima nito. Kalimitan pa'y pati mga manlalaro ay "nabibiro" nya ng ganito.

    (Kung umasta pa siya minsan, parang siya lang ang bida...)

    Wala rin kanina si Eric, at katulad kahapon, ang pumalit sa kanya ay si April, yung babaeng mahilig mag-congratulations. Mukhang pinalitan na si Eric... :/

    ReplyDelete