Freelance Jobs

Wednesday, July 8, 2009

Ano ang Magandang Parusa sa mga Hindi Marunong Magbasa?

Kanina ay nasa sakayan ako ng bus malapit sa MRT North Station at nagngingitngit sa galit habang pinagmamasdan ang mga kasama kong pasahero. Umuulan noon at maputik ang daan - isa sa maraming bagay sa mundo na ayaw ko ay ulan. Isa pa ay ang nababasa ang aking mga paa. Sa kasamaang-palad, kapag naroon ang una ay naroon rin ang ikalawa.

Hayup kayo.

Naroon nga ako sa me sakayan ng bus, nakakulong sa mala-rosas na bakal na pumapalibot sa kahabaan mula MRT station hanggang SM North, naghihintay sa ilalim ng rosas na plake na me pangalang Malanday. Dapat sana ay tatawid ako papunta sa isa pang sakayan - na siya talagang nararapat na hintuan ng mga bus pa-Malanday at Malinta - nguni't walang mga bus na humihinto roon. Nalaman ko na WALA na talagang humihinto roon - sabi sa isang munting electronic na signboard roon, ERR.

To err is MMDA. Lintek na pink.

Nagmimistulang epal tuloy sa kalsada ang sakayan na ito. At tambayan ng nag-iisang pulis na nagmamatyag kunwari sa hintuan ng bus.

At kumakanta.

Inis na inis ako tuwing humihinto ang mga bus na me plakeng Navotas o UE Letre o Monumento sa tapat ko - sa ilalim ng Malanday ako naghihintay, ibig sabihin hindi ako sasakay sa bus nila at hindi rin sasakay roon ang mga kasama kong naghihintay. Mahirap bang intindihin at sundin yun?

Oo, mahirap. Ubod-sakit sa pantog na hirap.

Lalo akong naiinis kapag humihinto ang mga bus na ito at may sumasakay - anak ng, yung plake nyo, sa ibang lugar!

Plaque

Halos magkakalahating-oras din akong naghintay dahil kapag umaabot na sa akin ang tamang bus, standing room only na lamang. Bakit? Kasi yung mga sasakay papuntang Malanday ay nag-aabang sa harap kung saan hindi naman dapat. Lintek, kung unahan rin lang ang laban, anupa't gumawa pa ng dalawang hintuan ng bus - na yung isa e hindi naman hinihintuan - na may mga plake kung saan ka maghihintay base sa destinasyon mo at may nagmamatyag na pulis kung hindi rin lang ito susundin ng mga tao?

Pero pag eto, biglang masusunurin.

Kanina ay iniisip ko na napakasaya kung bubulagin ang mga taong ito gayong hindi naman nila ginagamit ang kanilang paningin sa pagbabasa. Nakakatuwa rin marahil na pilayan ang mga tumatawid sa mga maling tawiran dahil sa paggamit ng paa kung saan naman hindi dapat. At yung mga tamad na pulis naman ay balian ng likod para hindi na sila makagalaw dahil yun naman ang nais nila.

Isa tayong bayan ng mga pasaway, ahihihi!

Ansakit talaga sa ulo ng pagiging Pilipino. Tila isa siyang requirement ng pagka-Pinoy - dapat di ka marunong magbasa ng batas pantrapiko o kahit anupamang me bawal o pakiusap at iba pa.

(At kung maaari lang sana, tanggalin na lang yang wire fences na yan gayong wala namang silbi. Bwiset.)

Unless manukan ang bagong gimik ni Bayani. Pagbigyan.

Kayo? Marunong ba kayong magbasa? Anong parusa ang ibibigay nyo sa ating mga kababayang di pa kaya basahin ang ABNKKBSNPLKo ni Bob Ong?

Poor you.

At kelan ba tayo matututong sumunod?

2 comments:

  1. tango ng katangahan at katigasan ng ulo yan eh. kung walang sasakyan na hihinto sa mga hindi naman hintuan, at walang pasaherong kakaway sa mga hindi naman sakayan, eh di maayos sana ang daloy ng trapiko.

    pero hindi eh. nasa Pilipinas tayo. sa ibang bansa lang naman tayo hindi balahura. palibhasa pakitang tao.

    ReplyDelete
  2. At yun ang nakakaasar talaga - dahil masyado tayong makasarili, basta tayo solb na, la na pakealam sa iba. Basta tayo makasakay, bahala na yung mga sumusunod talaga. At dahil me mga pasaway na nag-aabang sa maling lugar, ang mga bus drivers na atat kumita e dun na naghihintuan.

    Honga e. Mas madali sa 'ting sumunod sa ibang bayan, palibhasa ibang lugar. Imbiyerna, lahi tayo ng mag ipokrito't ipokrita.

    ReplyDelete