Freelance Jobs

Sunday, July 5, 2009

Kilala Mo Pa Ba ang mga Kaibigan Mo Noong Elementarya?

Hinahanap ko kahapon ang isa sa aking mga certificate sa aming mala-bodegang mini-library nang aksidenteng sumagi ang aking antok na mga mata sa luma kong mga drawers.

Aray...

Naalala ko na ilang taon ko nang hindi ito ginagalaw, at naroon ang kaba sa aking dibdib na, katulad ng isa kong tokador na hindi ko pinakialaman sa loob ng mahabang panahon, ang mga laman nito ay puno na ng mga insekto, amag, at mga nilalang na kumakain ng katawan at alaala.

AAAAAAHHHH!!!

Pinagpaliban ko ang pagkalikot nito hangga't ako'y makapananghalian at makapaligo. Pagkatapos ay daglian kong binuksan ang drawer, at bumungad sa akin ang isang koleksyon - koleksyon ng mga sulat nang ako'y isa pang inosente na palakaibigan at nagtitiwala pa sa ubod-lakas na kapangyarihan ng pagkakaibigan.

Katulad ng mga kumag na 'to.

Binasa ko ang iba at napangiti. Binasa ko ang ilan at napakamot ng ulo. Ang iba'y nagbigay sa akin ng palaisipan: sino ang mga taong ito?

Ang panahon ng ating kamusmusan ay puno ng mga pagkakaibigan na madaling mabuo at madali ring mawala. Tinatawag nating best friend ang mag-abot sa atin ng lapis, at tinatawag naman nating kaaway ang kumuha ng huling pad paper mula sa kaklaseng hinihingian natin nito. Minsan pa'y gumagawa tayo ng barkadahan at naghahanap ng ibang barkadahan na tatawagin nating mortal na kaaway.

Me isa dito!

Naaalala ko pa ang mga panahong sinusundan at pinagtataguan namin ang ilan sa mga kaaway na ito. Tinatawag namin itong pagmamanman sa kilos ng kaaway. Minsan pa'y may lookout na nagmamatyag kung me kaaway na dadaan, at kami na mga naghihintay ay iiwas sa daan na ito o tatambay at aatakihin ang sawimpalad na nilalang na ito sa pamamagitan ng ubod sakit na pagpaparinig.

Alam nyo ba, sisters, balita ko si ano mahilig sa kuwan! Eeeeee! Ayun sya o!

May mga ilang pagkakataon na nagiging pisikal ang mga engkwentrong ito. Ngayong inaalala ko ang mga ito, napagtanto kong nakakatawa pala ang mga pangyayaring iyon. Bukod pa dun, naaalala ko rin na ang ilan sa mga binansagan naming "kaaway" ay naging kaibigan din naman nang hindi maglaon. At ang ibang kaibigan ay naging mga "kaaway."

Ganyan talaga pag nasa elementarya pa - andaling magpalit ng kaibigan. Isang kindat, isang patid, isang kurot, isang ngiti - isang salita lang ay maaari kayong maging magkaibigan o magkaaway. Sa elementarya, ang mga katagang "Friends Forever" ay panandalian lamang - katulad ng panahon ng ating kamusmusan, ang pagiging matalik na magkaibigan sa panahong ito ay panandalian lamang.

Friends Forever

Sa mga naging kaibigan ko noong elementarya, ilan lamang sa kanila ang nananatiling mga kaibigan ko hanggang sa ngayon. High school pa lamang ay nawala na ang karamihan, at mas lalong kumonti nang lahat kami'y magkolehiyo. Ngayong kami'y mga propesyonal na, mabibilang lamang sa aking mga kamay kung ilan ang matatawag kong mga tunay na kaibigan.

Yiki, twelve friends nya!

Bagama't kakaunti, ang kagandahan ng post-elementary friendship ay ang katotohanan na ang mga kasama mo ngayon ay mga tunay at pangmatagalan. Sa kanila, ang katagang "Friends Forever" ay hindi kataga lamang - ang mga katagang ito'y totoo dahil mismo sa kanila.

Habang tumatagal ay lalong sumasar- er, sumasaya?

Naisip ko lang - sana ang mga kaibigan noong elementarya na pinangakuan ko ng habambuhay na pagkakaibigan ay mga kasama ko pa hanggang sa ngayon. Or at least, mga kilala ko pa.

Hi... friends?

Kapag nakita mo ang mga dati mong kaibigan, makikilala mo pa ba sila? Nanaisin mo bang ibalik ang inyong naputol na pagkakaibigan?

No comments:

Post a Comment