Freelance Jobs

Friday, July 3, 2009

Nasaan Ang Voter's ID Ko?

Nang pumunta ako sa branch ng Comelec sa aming lungsod upang kunin ang aking Voter's ID, me humigit-kumulang na sampung tao ang nakatambay sa harapan ng isa sa maraming bintana nito. Nagtanong ako kung ang pakay ba nila ay ang Voter's ID rin, at me isang nagsabi na oo, dito ang pila ng Voter's ID.

Pila lang po...

Nang bumungad ang isang babae sa bintana at nag-abot ng IDs, hinintay kong maglaho ang mga nakatanggap upang ako'y makalapit. Dala ko ang aking Voter's Registration Form at ito'y inabot ko sa babae sa bintana. Tiningnan nya ako na me tanong sa kanyang mga mata.

Anim na taong gulang na.

Tiningnan nya ang aking papel at tinanong kung dala ko ba ang aking request form. Nang nakita nya ang aking pagtataka, ipinaliwanag nya na kailangan kong kumuha ng request mula sa aking barangay na me nakapaloob na pangalan ko at presinto bilang patunay na ako ay rehistrado. Matama kong tinitigan ang aking registration form bilang hint - inulit ko din na dala ko ang aking registration form na, ayun sa aking lohika, ay sapat na pruweba. Marahan nyang inulit na kailangan ko ang request na iyon at pagbalik kong me dala nun, tsaka nila ibibigay ang aking ID.

Hostage ito, akina request form mo.

Nang pumunta ako sa aming barangay hall, nakausap ko muli ang babaeng kilala ang aking ina. Tinangka nyang hanapin ang pangalan ko nguni't hindi ito lumabas. Tinanong nya ako kung ako ba'y bumoto noon at sinagot ko ito na me pagtango. Hanggang ngayon, naaalala ko pa ang listahang dinala ko na nakasulat ang lahat ng aking mga iboboto, mula pangulo hanggang barangay kagawad.

Eto... eto... um... sige na nga, eto din!

Sinabi nya na humingi na lamang ako ng request mismo sa branch ng Comelec na yaon. Ibinahagi rin nya ang kanyang karanasan sa sarili nyang Voter's ID - siningil sya ng Comelec upang bigyan sya ng request upang makuha ang kanyang ID, at nalagasan sya ng halagang Php 75. Marahil ito ang paraan nya upang ihanda ako sa kahirapang malapit ko nang matamasa sa kamay ng Comelec...

Pumunta ako sa Comelec branch at nakita kong sarado ang mahiwagang bintana. Kumatok ako at me babaeng sumilip - itinuro nya na gamitin ko raw ang pinto.

E pwede naman pala kasi.

Pagpasok ay nakita ko ang mga nagrerehistro. Dahil kukuha lang ako ng ID, pakiramdam ko ay isa akong mabuting mamamayan. Pakiramdam ko rin ay isa akong importanteng tao nang nilagpasan ko ang mga taong ito na nagfifill-up ng form na kinumpleto ko na anim na taon na ang nakararaan. Kumbaga, senior ako.

Kapagdaka'y hinarap ako ng isang malusog na lalaki at magalang nyang tinanong kung ano ang kanyang maitutulong. Ineksplika ko ang aking pakay, at sinabi nya na kung wala ako sa listahan sa barangay, ibig sabihin nun ay wala pa akong ID.

... Ano kamo...?

Sinabi nya na ang proseso ng paggawa ng Voter's ID ay random. Hindi lahat ay magagawan kaagad, at ang mga meron palang nito ay ang mga nilathala nila sa listahan ng mga pangalan na siyang ibinigay nila sa barangay hall. Kaya sila humihingi ng request mula sa botanteng nais kunin ang kanyang ID, ani nya. Ito ay upang maiwasang pabalik-balikin ang botante na isa lamang na mabuting mamamayan.

Sabi nya ay maaari ko syang kontakin upang aking malaman kung me ID na ako. Ibinigay nya sa akin ang kanyang YM account, at niyaya rin nya akong hanapin sya sa Facebook. Sinabi kong wala akong account sa Facebook.

Mukha mo. In other words, Your face.

Bagama't sya'y nakakatuwa sa kanyang offer ng pagtulong, umuwi akong nagtatampo sa mundo. Ganun na ba kahirap gumawa ng ID sa Pinas na lagpas anim na taon na ay wala pa akong Voter's ID? Ba't di nila gayahin si Binibining Postal ID, na wala pang tatlong minuto ay nalaminate na ang ID kong typewritten?

(At isa pa, bakit kailangang paabutin ng isang araw ang paggawa ng Postal ID gayong wala pang isang oras ay maaari na itong magawa? Nyarz talaga, nyaaaaaarz!!!)

Sabagay. Mukhang mahirap na proseso talaga ang paggawa ng ID. Kaya siguro maraming gumagawa nito, dahil pinipilit nilang magpakadalubhasa sa siyensyang ito na tila wala pang nakakaperpekto. Sa pagkakaalam ko, ang mga nakalapit lang sa kadalubhasaang ito ay ang mga tagagawa ng pekeng IDs. Hindi kaya nararapat na humingi ng tulong ang gobyerno sa mga taong ito? Maaari silang magbigay ng seminar sa tamang paggawa ng IDs na mabilis, malinis, at nakapagpapasaya ng maraming kabataang wala pa sa hustong gulang.

Learn from the master and get a fake ID, absolutely FREE! Oo, LIBRE!

Ikaw, me Voter's ID ka na ba? At umamin ka - me pekeng ID ka rin ba?

3 comments:

  1. sa'ming bayan na San Jose del Monte, Bulacan (oyeah), katuwa-tuwang {hindi nakurakot ng lokal na pamahalaan ang pondo} lahat kami ay merong Voter's ID.

    lola ko pa ang kumuha nun sa munisipyo, dala lang yung voter's form ko, authorization letter at picture ko - picture ng tiningnan ng makalawang beses nung taga-voter's ID window dahil hindi daw kamukha nung ex-con na nasa ID yung grad picture kong produkto ng Photoshop. :P

    PS. Ang corny ng comments mo, bawal HTML! >_<

    ReplyDelete
  2. ... Sige, inggitin mo ko. TT___TT

    PS. Haha, sorry naman! Ala nga reply button e. Dangnerz.

    ReplyDelete
  3. nagpa register kami sa san jaun pero hanngang ngayo wala pa kaming voter's ID.Hindi namain alam kung anong school kami pupunta.Maraming salamat.

    ReplyDelete