Freelance Jobs

Saturday, July 4, 2009

Sasaktan Mo Ba ang Isang Kaibigan na Katulad ng Babaeng Ito?



Marahil ay napanood nyo na ang commercial na ito. Ang patalastas na ito ay mula sa isa sa tatlong higanteng telecom company ng Pilipinas, ang Smart. Tampok sa commercial na ito ang sikat na loveteam na kung tawagin ay Kimerald, na kinabibilangan ni Kim Chiu (si Chinita) at Gerald Anderson (si Amboy). Kasama nila ang isang di nakikilalang babae na wala pang isang minuto ay kinainisan ko na.

Pinapakita sa commercial na ito ang presensya ng babae na ito sa bawat lakad nila Kim at Gerald. Maririnig din ang kanyang bukambibig (panakot) na "Ibo-blog ko yan!" kasabay ang isang mapang-asar at mapagyabang na ngiti hawak ang kanyang cellphone na hinihintay kong me magnakaw para lamang sumimangot siya't ngumawa.

Ibo-blog ko yan!

Nang unang beses ko itong makita ay ninais ko nang bangasan ang mukha ng epal na babaeng ito. Sa bawat pagnood ko nito, hindi nagbabago ang naisin na ito.

Nararamdaman ko naman na mabuting tao ang babaeng umarte ng parte na ito, nguni't sana'y hindi ganun kakapal ang mukha ng kanyang ginampanan (kasalanan ito ng mga utak sa likod ng patalastas na ito). Marahil justification ng commercial na "magkaibigan" si Kim at ang babaeng ito, pero hindi sapat iyon upang ipakitang nanghihimasok sa pribadong buhay niya ang babaeng ito. Oo nga't magkaibigan sila, nguni't hindi naman dapat na buong parte ng buhay ng iyong kaibigan ay dapat mong pinapakialaman, hindi ba? Gugustuhin mo ba na sa bawat pagsalita mo, bawat pagdighay, bawat paglunok at kahit bawat pag-utot ay may nakikinig sa iyo?

Ita-tap ko yan!

Hindi rin maganda ang pakuha-kuha ng babaeng ito ng mga pictures nila Kim at Gerald sa commercial na animo'y isa siyang paparazzo. Hindi ba't "magkaibigan" sila ni Kim? Siya dapat ang isa sa mga unang nakakaunawa na me personal na buhay si Kim na ganun, personal. Isa pa, masyado nyang binabastos ang personal space ng dalawa nang kunan nya ng litrato ang "magkasintahan" habang nasa palengke. Ang invasion of privacy na ginagawa niya ay sobra-sobra na kahit "magkaibigan" sila ni Kim.

Ivi-video ko yan!

Sa aking pakiwari ay mali ang mensahe na ipinaparating ng patalastas na ito. Ang mensahe na kayang mag-blog ng mga tumatangkilik nito sa mismong oras at lugar ng aksyon ay napapatungan ng mensahe na ayos lang ang manggambala ng buhay ng iba. Na walang kaibi-kaibigan o kama-kamag-anak sa ngalan ng mobile blogging.

Hindi ko naman sinasabing palpak ang serye ng patalastas na ito mula sa Smart. Paborito ko ang commercial kasama ang Eraserheads. Si Ely lang talaga ang nakakapaggitara na mukhang makakatulugan ang kanyang pagkanta. Ibang level talaga siya.

Huy, gisingin mo!

Isa pa, kahit tinalikdan ko na ang paggamit ng cellphone, Smart ang numero unong telecom para sa akin. Ito lamang ang ni-minsan ay hindi kumain ng load ko. Kung ako ay gagamit muli ng cellphone, Smart ang SIM na bibilhin ko.

Wag kang mangmang ha? Kahit SIM ka lang.

Pero teka... Me na Me? Hindi kaya't pagiging makasarili ang pinakamensahe ng pariralang ito? At ikaw, sisikaran mo ba ang kaibigan mo kung siya'y katulad ng "kaibigan" ni Kim? Kung hindi, ano ang gagawin mo?

6 comments:

  1. grabe.. hindi ko naisip kaagad na may negative effect pala ang commercial na to.. kung sabagay.. tama ka nga naman.. hindi nga maganda ang implications ng commercial na ito lalo pat ang ipinapalabas dito eh personal invasion of privacy... tsk tsk.. pero i still love being with Smart! hahaha

    ReplyDelete
  2. Naunahan mo ako sa post na ito. :D Nagmumukha nga na isang paraan ng pambablackmail ang blogging. Sa tunog pa nga lang nung babae na nagsasalita, nakakaasar nga. Mali ang mensaheng ipinapadala nila. Tila sinisira nila ang magandang layon ng blogging: na maipahayag ang damdamin nang may sense of responsibility.

    ReplyDelete
  3. Mas mahal ko rin naman ang Smart kumpara sa ibang network, Fjordan. :D Sana lamang ay mas pinag-isipan ng kanilang creative team kung ano ang maaaring isipin ng mga makakapanood ng patalastas na ito. Maaari ay hindi sadya na makapagparating ng ganitong mga negatibong mensahe, but what's done is done.

    At tulad ng sinabi ko, kung ako'y makumbinsing mag-cellphone muli, Smart ako! ^_^

    ReplyDelete
  4. Haha, ganun ba? Huwag mong hayaang pigilan nito ang pagsulat ng sarili mong post ukol dito, J.D. Ako'y nagtatanong lamang. :D

    Sobrang nakakaasar talaga at nagtataka ako na hinayaang ipalabas ang patalastas na ito. Marami tayong impressionable na kabataan na maaaring isipin na hindi mali ang ginagawa ng babaeng ito. Isa pa, halos stalking na ang ginagawa ng babae sa patalastas na ito at baka gayahin pa ito ng mga kabataan, makasagap lamang ng balita o tsismis na wala pang nakakaalam.

    Gusto ko ang tinuran mo ukol sa blogging, J.D. Sana ay hindi yan makalimutan ng lahat ng bloggers dito sa Pinas at maging na rin sa ibang bansa.

    ReplyDelete
  5. Haha! Oo nga, siguro kung may kaibigan akong ganito, baka masaktan ko lang.

    Bilang babae, para sa akin, parang masyadong "stalker" ang dating ng commercial na ito. Hindi naman siguro kailangan na laging kuhanan ng litrato bawat minuto ng pagsasama ng mga nagmamahalan, di ba? Lalo na kung kaibigan mo pa nagkukuha ng litrato. >_<

    Kung may kaibigan akong ganito, dalawa lang ang maiisip ko... inggit yung kaibigan ko kasi masaya ako sa boyfriend ko kaya bino-blog ito, o naghahanap siya ng paraan para ma-blackmail ako.

    Sana nga hindi maipakita itong commercial na ito. Mas gusto ko pa yung sa E-heads na commercial ng Sandbox kaysa dito.

    ReplyDelete
  6. Hmm, me punto ka! Kung inggit ang magiging dahilan ng pagsotalk na ito ay talagang sasakalin ko na ang ganitong kaibigan. O kaya'y papayuhang maghanap ng sariling buhay. XD

    Tama - iba ang angas ng E-heads commercial ng Sandabox. Kahit ako'y gusto ko ito.

    ReplyDelete