Freelance Jobs

Tuesday, June 30, 2009

Ano ang Gagawin Mo Pag Nakita Mo si Santino?

Para sa mga hindi pa nya nabibiktima, si Santino ang batang nagbibida sa palabas na May Bukas Pa. Ang palabas na ito ay naglalayong ipakita sa mga manonood ang pakikipagsapalaran ng isang batang milagroso na nagngangalang Santino.

Santino, naghihimala

Si Santino ay inampon ng mga pari at lumaki sa simbahan. Nakakapagpagaling sya at yun ay dahil kay Bro, ang paborito nyang kakulitan. Si Bro ay kalimitang nakikitang nakaputing off-shoulder na pananamit. Siya rin ay kadalasang nakatalikod at hindi pa nakikita ang kanyang mukha, katulad ni Big Brother.

Ang litratong ito ay kinunan ni Bro.



Hindi ko nasimulan ang palabas na ito at bihira ko lang ito mapanood. Gayunpaman, natutuwa ako sa konsepto ng palabas na ito. Minsan nga lang (sige, kadalasan), napapakamot ang ulo ko dahil masyadong nagtitiwala ang mga tinuturing na matatanda sa isang bata.

Hindi ko naman sinasabing masamang gawain ito. Ang akin lamang, sinong tao sa tamang katinuan ang magbabahagi ng kanyang problema tungkol sa kanyang amang Intsik (eto pa - stereotyping! hind na namin ginagawa yan!) na nais syang ipakasal sa isang lalaking hindi nya iniibig dahil lamang sa negosyo, sa isang bata na laging nakatingala na animo'y walang down function ang kanyang leeg at me mala-Bambi na mata? Naiintindihan ko na minsan talaga ay nais nating magbawas ng sama ng loob pero... sa isang bata?

Sasabihin mo sa akin ang lahat ng problema mo...

Minsan pa ay nalulungkot ako para sa mga pari. Kaawa-awa, talo sila ng isang bata. Kumbaga, Santino is the answer.

At least nakaputi kami. Na bestida. At katabi si Dina Bonnevie.

Gayunpaman, pinapanood ko ito pagnatatapat ako sa palabas na ito. At naisip ko - kung magkita kami ni Santino, ano ang gagawin ko?



Karamihan ng mga lumalapit sa batang ito ay may mga problema. Ang pinakamabigat kong problema ngayon ay ang kawalan ng trabaho. Isa pa sa mga alalalahanin ko ay ang aking sipon at trangkaso na nakaraang linggo ko pa nararamdaman (hindi to swine flu dahil hindi ako baboy). Hindi rin mawawala ang pag-aalala kung san makakakuha ng pera.

Maaari akong magpagaling ke Santino. Pero pano ang trabaho? Lalapitan ko ba si Santino ukol sa bagay na ito? Tatanungin ko ba sya kung papaano mawawala ang kahirapan sa Pilipinas? Hihingi ba ko ng opinyon kung saan maganda mag-invest ngayon? Kung saan madaling makakuha ng trabaho?

Este iho, usapan ng mga matatanda ito... pwede dun ka muna sa kwarto mo? Pero kung me secret offshore account ka, hintayin mo ko onti ha?

Alam ko sa sarili ko na, bagama't gusto kong umarteng mabait sa mga bata, itataboy ko si Santino 'pag ako'y naglalabas ng sama ng loob sa mga pari (hindi ako Katoliko, eto lamang ang gagawin ko kung ako'y parte ng palabas na iyon) at nakita ko syang nakatayo sa may gilid habang nakangiti. Isa pa, tititigan ko sya ng masama dahil ayaw ko sa mga batang animo'y tambay ng asukarera sa ka-hyperan. Malamang din ay pasaringan ko ang mga pari sa pagpapalaki ng isang batang mahilig sumabat sa usapan at isyu ng nakatatanda.

Malamang sa malamang pala ay maging kontrabida ako sa buhay ni Santino.

Ako, nakikipagkaibigan ke Santino



Ikaw, ano ang gagawin mo kung magkita kayo ni Santino? Anong problema ang sasabihin mo? Sasabihin mo ba?

Monday, June 29, 2009

Bakit 20 + 100 + 210 ay 175?

Naaalala ko ang Biyernes na yun - matindi ang sikat ng araw at lumalangoy sa pawis ang aking pagkatao. Lumalangoy rin sa apoy ng impiyerno ang aking kaluluwa dahil sa dire-diretsong pagmumura na nira-rap ng utak ko.

Pwede pala akong maging rapper. Angas ko talaga.

Noon pa man ay namumuhi ako sa araw. Masakit sa mata ko ang sobrang liwanag, at masakit sa tenga ng iba ang latay ng aking dila habang inaanunsyo ko sa mundo na kinamumuhian ko ang init nito. Sa pagitan ng araw at ulan, ulan ang pipiliin ko. Muhi rin ako sa ulan pero mas namumuhi ako sa araw.

In other words, the sun can burn in hell.

Gayunpaman, ako'y lumabas nung napakamaaraw na Biyernes na yun upang kumuha ng Postal ID. Isa sya sa mga Valid IDs na tinatanggap ng mga establisyamento gayong walang silbi ang ID na ito, ayon sa mga natanong ko. Ang sigurado ako, mabilis maproseso ito sa napakababang halaga na Php 175.

Buti na lang alam kong ang Filipino Time e me katapat din sa pera - ang Filipino Math.



Kumuha ako ng Barangay Clearance dahil isa ito sa mga kailangan upang ako'y makakuha ng Postal ID. Dahil sa kasamaan ng kaaway kong araw, gayun na lamang ang aking galak ng ako'y pumasok sa de-aircon na opisina ng aming barangay hall - halos mahalay ang aking buntong-hininga nguni't di ko pinansin ang mga kababaihan na napatingin sa 'kin ng me halong suspetsa at pag-iwas. Nakuha ko agad ang aking pakay mula sa isang babae na kilala ang aking ina - bago pa nun, pinabayaran nya ko ng Php 20 para sa sedula na, ayun sa resibo, ay nagkakahalagang Php 16.80.

Masasabi kong hindi tayo magaling sa decimal numbers.



Dahil meron na akong litrato (na ni-Photoshop pa - di ko alam kung ako'y matutuwa sa ekstrang serbisyo o maiinsulto), pumunta ako sa Post Office. Pagkatapos na ipaalam sa halos lahat ng mga tao roon na eksperto ako sa direksyon (kanan? eto ba *turo sa kaliwa*), ako'y napaharap na sa babaeng nagtatago sa likod ng salamin (at plastic cover pag ayaw nyang humarap sa tao). Pagkatapos bigyan ng dalawang pirasong papel, tinuro nya ko sa isang matandang lalaking nakatayo sa likuran ko upang hingan ng tulong.

Dinala ako ng lalaki sa tambayan nila ng mga kasama nyang kartero. Pinahiram nya ko ng ballpen at umupo sya sa tabi ko habang ako'y nagfifill-up. Tinuro nya sa kin ang mga dapat kong sulatan at, pagkatapos, iniabot ko sa kanya ang mga papel at sya's nagsulat ng impormasyon dun na nilagay ko na. Pumirma rin sya bilang witness sa pagfill-up ko. Pagkatapos kong magpasalamat, sinabi nya sa kin na me fee na Php 20.

Huh, naisip ko. Sabagay, nabagot sya habang pinapanood nya ko, at mukhang naipitan sya ng ugat sa pagpirma nya. Isa pa, witness sya. Baka kung anong mangyari sa kanya kung wala akong maibigay.

Nag-abot ako ng bente at tinuro nya sa kin kung san susunod.



Mga ilang minuto ng pagtatanga, lumapit ako sa babaeng nakaupo sa tapat ng inuupuan ko na masayang nakaupo at ngumingiti sa kawalan. Hiningan nya ko ng litrato at inabot ko sa kanya ito. Binasa nya ang impormasyon ko at sinulat iyon sa isang malaking kwaderno. Pagkatapos, tinatakan nya ang dalawa kong papel. Sinabi nya sa kin na meron akong ibabayad sa kanyang notary fee na nagkakahalagang Php 100.

Eng? naisip ko. Hmm, mukhang tumagtaktak ang pawis nya sa paglipat ng mga pahina ng malaking kwadernong yun. At malamang, sya ang nagrerefill ng ink sa pantatak na ginamit nya. Tsaka isa pa, ang hirap atang magtatak ng swak sa kahon ng isang form! Isa ata itong siyensya na dapat nyang maiperfect sa kolehiyo!

Nag-abot ako ng isandaan at tinuro nya sa kin kung san ako susunod.



Bumalik ako sa babaeng nagtatago sa likod ng salamin. Inabot ko sa kanya ang mga papel at habang nichecheck ang impormasyon ko, binanggit nya sa kin ang katagang Tu Ten. Ha? ani ko. Inulit nya. Two hundred ten pesos. Php 210.

Pagkatapos ay inisplika nya sa kin ang lahat. Ang Php 175 ay para sa Postal ID. Php 15 ang palaminate. Ang document stamp naman ay Php 20. Pagkatapos ay nakangiti nyang sinabi sa kin na makukuha ko sa Lunes ang ID ko at nakangiti rin nyang inabot ang aking resibo para sa Postal ID na nagkakahalagang Php 175.

Nakangiti ko itong tinanggap.

Ang galing. Php 175 nga!



Naknangputsa. Ako lang ba o mahina talaga tayo sa Math?



Isa pa. Bakit ba ang init ng araw?