Freelance Jobs

Monday, August 10, 2009

Nanghihinayang Ka Ba sa Buhok Mo?

Kanina pasado ala-una ng hapon ay sumuko na ako sa bagsik ng init. Kasama ang aking kapatid, pinuntahan namin ang nanay ng kanyang kaibigan upang magbawas.



Ng buhok.

Magaling ang ina ng kaibigan ng kapatid ko - palibhasa'y tagagupit sa Bench Fix Salon. Day off nya ngayon kaya kami ay kanyang pinaunlakan. Sa sobrang busisi nya, inabot siya ng halos kalahating oras sa pagtatabas ng buhok ng utol ko.


Mabusisi

Bukod sa mabusisi, nakakabilib siyang maggupit. Ginagawa niya ang paggupit sa labas ng kanyang bahay at napakaraming puno sa paligid nito - mahangin sa kanilang tinitirahan, at napakahangin din kanina nang naggugupit siya sa amin.
Kapagdaka ay oras ko na. Napuwesto na ako sa isang backless na monobloc at, habang minamasdan ko ang mga kabataang naglalaro sa kalsada, ako'y kanyang ginupitan.


Liberal na monobloc

Ang pinakamahabang parte ng aking buhok ay umaabot sa aking bewang, kung kaya't napakainit ng pakiramdam kapag kasagsagan ng araw. Nakapanlilimahid at nakakainis, kaya naisipan ko na itong paputulan. Ang tanging bilin ko ay maigsi na madaling ayusin. Low maintenance, kumbaga, dahil wala akong pasensyang mag-ayos. Ang kinalabasan? Eto, nakaupo ako ngayon at pinagpipiyestahan ng mga hayup na lamok ang aking batok.


After party

Nagustuhan ko ang aking gupit, at gayon din ang aking mga magulang na matagal na akong inuudyok na magpagupit. Ang mga utol ko naman, lalo na ang mga utol kong babae, ay nanghihinayang sa haba ng buhok kong nawala. Ang turan ko, humahaba naman ang buhok. Ang sabi nila ay matagal pa yun. At naisip ko - bakit pa pinanghihinayangan ang buhok samantalang sila'y dead cells lamang? Bakit ba natin pinag-aaksayahan ng shampoo ang mga patay na parteng ito? Gumagamit pa tayo ng gel, mousse, laway... nagbo-blower pa o kaya'y nagpa-plantsa upang padiretsuhin ito kung ito'y kulot. Kung diretso naman, pinapakulot ito. Pinakukulayan rin ito ng tsokolate, pula, asul, tahel, at kung anu-ano pang kulay na ini-endorse ni Rainbow Brite.


At konti lang yun, ba!

Ang buhok ko ngayon ay hanggang baba na lamang. At ang sarap sa pakiramdam na walang kabigatan sa iyong balikat. Aba, mabigat kaya ang dumi at usok na kumakapit sa buhok mo. Yun nga lamang, lapitin talaga ako ng lamok noon pa, at ngayon ay may bago na silang tambayan.


Isipin mo na lang, me binubusog kang mga lamok at binubuhay!

Ikaw, nanghihinayang ka ba sa buhok mo kapag ito'y pina-iigsian mo?

3 comments:

  1. WAW! nagkabaliktad din tayo sa wakas. :)) nagpagupit din ako eh, pero sa pagpapagupit ko, narealize ko na tapos na pala ako sa ikli-buhok-phase. na-miss ko na ung mahaba kong buhok. T_T

    ReplyDelete
  2. Oks lang yan, hahaba din ulit yan. :D

    ReplyDelete
  3. Syempre nakakapang-hinayang paigsian ang mahaba kong buhok na matagal kong inalagaan at palaging pinapa-rebond.. Isa ring asset dto sa bansang Dubai ang pagkakaroon ng maganda at mahabang buhok. Check nyo Profile q sa Fb >Carol Diaz (Popster Caroline Aleley Diaz), super long ng hair q 'coz I really L♥ve my hair.. :)

    ReplyDelete